ANG MUNTING MAKATA NA GINAWARANG TANGHAL MAKATA 2023 NG KAMPERFORMATURA

Oct 12, 2023 | Press Release

Walang pagdadalawang-isip na pinakita ni Queena May Saldivar, isang 13-anyos na batang makata at tubong Sta. Cruz, Maynila, ang kanyang tapang sa pagsali sa Kampo Balagtas (o KamPerformatura) sa Performatura Festival 2023. Ito ay isa sa mga prestihiyosong kompetisyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP) na isinagawa noong ikalawa ng Abril 2023. Pinarangalan bilang Tanghal Makata 2023 si Saldivar at ang kanyang nilikhang tula na pinamagatang “Bubot.”

Ito ang nagdala sa kanya ng tagumpay sa timpalak:

Pait ng ampalayá,

bayabas na mapaklà,

pagsinta kong manibà

Di mo man lang nadamá.

Ayon kay Saldivar, hindi niya inaasahan na maiuwi ang malaking gantimpala dahil isa siya sa mga pinakabatang kalahok sa Kampo Balagtas. Hindi ito naging hadlang sa kanyang pagsali lalo na’t marami siyang inspirasyon sa buhay na nagtulak sa kanya na magpatuloy rito. Nakatulong din sa kanya ang suporta at pag-udyok ng kanyang guro na si Jayson Cruz, isa ring makata at miyembro ng LIRA.

“Hindi ako takot lumaban dahil alam kong walang imposible. Wala sa pagiging matured ng utak ng isang tao kung paano mo gagawin nang may pagmamahal, pagmamalaki, at pagbuhay ang talento ng mga Pilipino. At hindi ko kailangan sumuko o matakot dahil lang mas marami na silang kaalaman sa mga bagay-bagay, inisip ko ang lahat ng inspirasyon ko sa buhay, inisip ko ang pamilya ko, ang guro ko, at ang sarili ko,” ani Saldivar sa isang panayam.

Hindi rin makakalimutan ni Saldivar ang dalawang araw na seminar-workshop sa Kampo Balagtas dahil marami siyang natutunan mula sa iba’t ibang makata at manunulat tulad na lamang ni Dr. Michael M. Coroza.

Para kay Saldivar, isa sa kanyang pinakamasaya at pinasasalamatan na karanasan sa Kampo Balagtas ang makasalamuha ang mga tinitingalang makata na pinapanood niya lamang noon. Mahalaga para sa kanya na maipamalas ng mga batang makatang katulad niya ang iba’t ibang malikhaing talento na makakatulong sa pagpapanatili ng panitikang Pilipino at kanilang galing sa sining.

Sadyang likas na kay Saldivar ang pagkiling sa sining dahil bukod sa pagiging batang makata, kinahihiligan din niya ang pag-arte, pagsulat ng iba’t ibang kuwento, pagkanta, pagsayaw, at maging ang pagdidisenyo ng mga damit. Sa katunayan ay nauna siyang maging bahagi ng teatro at dito siya nakitaan ng potensiyal ng kanyang guro sa pagiging isang makata at manunulat. Gamit ang kanyang lakas ng loob, sinubukan niyang pumasok sa isang bagong larangan kung kaya’t hindi niya pinalampas na maging bahagi ng Kampo Balagtas na nagsilbing unang pambansang kompetisyon na kanyang sinalihan bukod sa mga patimpalak sa kanilang lugar at paaralan.

Sa kasalukuyan ay pinagsusumikapan pa rin ni Saldivar ang pagpapatuloy sa pagsusulat ng mga kuwento at tula, at maging ang kanyang pag-aaral bilang estudyante sa ikawalong baitang sa Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales (MPNAG).

Malaki ang naitutulong ng Kampo Balagtas para sa mga kabataang tulad ni Queena May. Halimbawa na lamang nito ang nabanggit niyang seminar-workshop na ginanap noong ika-31 ng Marso hanggang ikauna ng Abril 2023 ng Kampo Balagtas sa GSIS Museum, Lungsod ng Pasay.Dito ay nagturo sa mga mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat mula sa MPNAG, ang mahuhusay na propesor at mga miyembro ng LIRA na sina Dr. Michael M. Coroza, Paul Castillo, at May M. Dolis.

Bilang bahagi ng tatlong araw na selebrasyon ng Performatura Festival, nagtagal nang dalawang araw ang seminar-workshop at dinaos naman ang patimpalak nito na Tanghal Makata 2023 sa huling araw bilang pagpupugay sa ika-149 na kaarawan ni Francisco Balagtas. Dito ay nagtanghal ng mga tula ang mga kalahok. Sa huli ay iginawad ni Juireo Abela, Tanghal Makata 2021, kay Saldivar ang Sam Penaso trophy, laurel sculpture ng makata na si Raul Funilas, at cash prize na ₱15,000 mula sa CCP.

More Press Releases